Philippines: Faded Glory – A plea from an OFW

KUPAS

Ni: Ore Hendive

Maaaring ang tulang ito ay makapagbabago
Sa laman ng utak nating mga Pilipino
Ang noong katangiang maaring maglalaho
At mawawalang tuluyan ang tatak ng lahi mo

Una sa punto ko, pagpapahalaga sa OFW
Kung kami mawalan ng trabaho, may ayuda ba ang gobyerno?
Sa taas daw ng remittances namin, ano ba ang mga proyekto?
O ang milyon-milyon naka-deposito lang, sa sariling account ng pulitiko?

Ano ba ang iniisip ng mga namumuno?
Sadya bang para sa bayan o sa kung sino ang malapit sa puso?
Palitan ba ang pagpapahalaga nang ugaling sanggano?
Sa Inang Bayang kilala noon na isang maamo?

Palaban na nga kung makikita simula noong mag-EDSA
Mula sa reheming hanggang ngayon ay tinutuligsa
Subalit ang kinalabasan, ang laki ng pagkakaiba
Ugali ng bawat Pilipino ngayon ay kanya-kanya.

Kanino nga ba kami umaasa kundi sa sarili na lang
Itanong nga kung may pag-asa pang makukuha sa bayan
Milyon-milyon ngayon ang umaalis ng bansa
Dahil hindi trabaho lamang ang kulang kundi tiyan ay kumakalam.


Ngayon ako ay narito sa bayang gitna ng disyerto, Walang tubig walang kagubatan subalit kay daming Pilipino

Ore Hendive


Ngayon ako ay narito sa bayang gitna ng disyerto
Walang tubig, walang kagubatan subalit kay daming Pilipino
Kumikita ng higit pa, kesa doon sa bayan ko
Na mas sagana sa likas na yaman at matatalinong mga tao

Kanino ba dapat magsimula ang isang pagbabago?
Sa gobyerno ba ang pagkukulang o sa ating pagkatao?
Ang RESPETO sa sarili at sa kapwa mamamayan
Ang pagtulungang pasidlakin ang dumidilim na kasarinlan.

Gumising ka Pilipino, bumangon na Pilipinas ko
Huwag hayaan mawala ang ugaling dati ay nakakamangha
Tayo’y lumulobo, dumadami, at sa kung saan na lang nagsisipunta
At dumudikit sa kung sino-sinong bansa na parang mga linta.

Ito ba ang sagot sa isang natamong demokrasya?
Pulitikong ’di nagkakaisa, Pilipinong saan-saan nagsisipunta?
Kumakalam na tiyan, lumulubong mamamayan
At winalang bahala na ang kanyang dating kagandahan?

Pilipinas, Perlas ng Silanganan
Sa anong paraan ko na makikita ang iyong kinang?
Nitong henerasyon na iba na ang mahalaga
Binabalot, tinatakpan sa lilim ng mga mapagsamantala.

Kahit ikaw ay matibay, lumalaban sa hamon ng panahon
Gasgas mo’y dumadami, halaga mo’y tumatamlay
Ligaya ngayo’y pansamantala na lamang at nababalutan ng ingay
Nang mga reklamong sa tenga’y lumalabas, sa hangin sumasabay

Ang dating bantayog ng iyong Lupang Hinirang
Ngayo’y humihina sa mga panaghoy ng kapatagan
Marupok na ang haligi na dati’y sandigan
Mamamayan ngayo’y palaboy sa kung saan may mapagkakakitaan

Di ba’t hangarin natin ang magiliw na bayan?
Kaya alab ng puso ay ating ipanumbalik
Panatang huwag sana nating iwaglit
Sa nagbabagong panahong lalong humihigpit.

Hangad ko ang isang pagbabago na ’di kailangang ipaalala
Sa isipan mo kabayan na may malawak na pag-unawa
Tanungin ang sarili kung ikaw pa ba ay Pilipino?
Sa isip, sa salita, sa gawa, sa kapwa at sa bayan mo?

Sa mga namamahala sa ating gobyerno
Nawa’y ang kaban, gamitin sa wasto
Nang manumbalik ang ganda ng himig ng ating musika
At ang Panatang Makabayang sinasambit ng bawat isa.

Bandilang itinaas iba na kung pagmasdan
Bughaw nya ay hindi na kasing kristal ng karagatan
Tingkad ng pula unti-unting pumupusyaw
Puti nya’y may dungis, sinag ng araw lumilihis

Hawak natin kabayan ang totoong pagbabago
Sa isipan, sa damdamin at buong pagkatao
Bayan mo’y sumasamo, sa mga pald mo umaasa
Manumbalik ang kulay sa kupas nating bandila.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *